Friday, September 12, 2008

Para Sa Iyo, Kaibigan

Para Sa Iyo, Kaibigan
1997

Salamat sa iyo, mahal kong kaibigan
Sapagkat ikaw ay laging maaasahan
Sa bawat sandali, palaging nariyan
Kailan man tawagin ang iyong pangalan.

Salamat at tinig ko'y langing naririnig
Pati damdamin ko'y iyong nababatid
Lungkot sa puso kong iba ang may hatid
Kapag kasama ka'y saya ang kapalit.

Alam kong batid mo, ang aking nakaraan
Pasakit at hirap ng pinagdaanan,
Mga kabiguan at mga kalungkutan
Salamat at iyong nauunawaan.

Batid kong alam mong ang puso kong ito
Hindi lang miminsang nagmahal, nabigo
Kaya ngayon puso'y nakapinid ang pinto
Ayaw nang umibig, takot nang mabigo.

Sana'y maunawaan, aking kalagayan
Kung bakit kung minsan ay may kalungkutan
Ang buhay sa mundo sadyang ganyan lamang
Ako ay tao lang, marunong masaktan.

Sa mga nagdaang pagsubok sa buhay
May mga sandaling nais nang humapay
Subalit mayro'ng Diyos na nakaagapay
At naririto kang handang umalalay.

Bago ka nakilala, ako'y naghahanap
Ng isang kaibigang sa 'kin ay lilingap
Maraming nakilala at mga nakausap
Subalit tangi ka sa kanilang lahat.

Hindi ko mawari kung ano'ng dahilan
At ikaw sa akin ay nakipagkaibigan
Subalit ano man ang kadahilanan
Ang mahalaga'ys ikaw ay aking kaibigan.

Sinabi mo minsan sana'y wag magbago
Ang pakikitungo at pag-uugali ko
Huwag mag-alala, ako'y taong totoo
Hindi nagpapalit ng kulay at anyo.

Ako'y nangangambang ikaw ang magbago
Kapag may nakitang ibang kaibigan mo
Baka malimutan maging pangalan ko
At 'di na maalalang kaibigan mo ako.

Kung may mga sandaling ika'y nasasaktan
Sa pagkakataong mata mo'y luhaan
Kapag may mga taong nais kang pahirapan
Naririto ako, handa kang damayan.

Kung nais mo naman ng isang katuwang
Sa mga gawaing 'di mo makayanan
Sa mga suliraning nais mong takasa
Narito rin ako, dal'wang kamay, kaibigan.

Kung kailangan mo ng isang karamay
Kung ika'y malungkot, puso'y nalulumbay
Kung ikaw ay bogi at walang kaagapay
Mga palad ko'y handang sa 'yo ay dumamay.

Mahal kong kaibigan, hwag lang kalimutan
Sa 'yong kagipitan, ang Diyos ang tawagan
Kung tawagin man ang aking pangalan
Ako ay darating, para sa iyo, kaibigan.

No comments: