Wednesday, September 17, 2008

Amang Dakila

ooOoo
Amang Dakila
1998

Daluyan nitong buhay, na Diyos ang may bigay,
Agusan ng pag-ibig, ng Panginoon nating tunay,
Larawan ng katatagang hindi humahapay,
Aking ama'y mula sa Diyos, pagmamahal, kanyang alay.

Mula sa pagmulat nitong aking mga mata,
Munting katawan ko'y humimlay sa bisig niya,
Sa aking paglalakad, kamay ko ay akay niya,
Sa aking pagkadapa, ako'y itinayo niya.

Mga utos niya'y batas sa paningin,
Gintong mga pangaral, itinuro niya sa akin,
Mayro'ng katapangang binibigyang-diin,
Maging katapatan, kanyang sinabi rin.

Itong aking ama'y tunay na matipuno,
Laging nananalo kapag ang laro ay buno,
Dal'wang kabang bigas, kaya nyang ipangko,
Sa pangingisda niya'y gumagaod kahit bagyo.

Sa lahat ng panahon, siya'y aking karamay,
Siya ay maligaya sa aking tagumpay,
Sa aking kabiguan, luha nya'y sumilay,
Sa aking pagbangon, siya'y nagbigay-buhay.

Aking ina'y nanghina, siya'y nagkasakit,
Sa kanyang mga gawain, aking ama ang pumalit,
Kabuno niya'y labada, alaga niya'y paslit,
Kaharap niya'y kalan, pingga'y nililigpit.

Aking ama'y matanda na, katawa'y mahina na,
Matipunong mga braso, ngayon ay nanlitis na,
Mga binti nyang matatag, ngayo'y may rayuma na,
Ngunit pag-ibig niya, sa 'mi'y matatag pa.

Isang munting parangal, sa 'ming amang dakila,
Sa 'ming buong buhay, kailanma'y di nagpabaya,
Sa pagpili ng ama, kung ako ay may laya,
Ikaw pa rin ang pipiliin, pagkat ikaw ay dakila.


ooOoo

No comments: